SWEET SIXTY

Pinagsikapan nating ibaba na sa bawat barangay ang serbisyo at benepisyong dapat nilang matanggap upang hindi na mahirapan ang ating mga lolo at lola. Ang kanilang pensiyon ay  inihahatid na natin sa kani-kanilang sariling barangay para sila ay makatipid sa pamasahe at para rin sa kanilang personal na kaligtasan.

Dagdag pa na kaginhawaan para sa ating mga senior citizen, ang kanilang opisina ay nasa municipal hall building na rin at hindi na nila kailangang magpalipat-lipat pa mula sa Highway 59 para kumuha ng senior citizen ID card. 

Sa PAMANA Terminal, kasalukuyan nating tinatayo ang isang sports and fitness gym na libre para sa lahat ng senior citizen ng Gubat. Kapag natapos ito ngayong taon, ang Gubat ang marahil bukod-tangi na munisipyo sa buong Pilipjnas na mayroong sariling gym para sa mga mamamayan nito na magagamit nang libre ng mga senior citizen.

Ikinagagalak ko ring ibalita na sa kauna-unahang pagkakataon ay inihalal ng buong asembleya ng mga senior citizen ang susunod na pinuno ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA). Ito ay taliwas sa nakagawiang tanging mga BASCA president at mayor lamang ang pumipili ng OSCA head. Upang mapagkaisa ang ating mga senior citizen, malinaw na may mandato ang ating susunod na pinuno ng senior citizen na si Ma’am Betty Fundemera ng Barangay Rizal, isang retiradong guro sa elementarya.