Eduk’Aksyon

Sa ilalim ng ating Eduk Aksyon patuloy tayong nagbibigay ng suporta sa ating kabuuang dalawang daan at anim (206) na mga iskolar ng munisipyo na nag aaral sa Bicol University at Sorsogon State University, kasama ang nadagdag na  animnapung (60) bagong mga iskolar ngayong taon sa BU.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginawa natin ang Gubat School Board Assessment Test- Primary (GSBAT-P) o pagsusulit sa lahat ng Grade IV ng buong bayan ng Gubat upang suriin ang kanilang kakayahan sa pagbasa at aritmetik. Sa pagbasa o reading, top 3 best performing schools ang Bulacao, Paco at Union Elementary School. Sa Matematika, top 3 performing schools ang Dita, Patag at Ogao Elementary School. Ngunit sa kabuuan, ang top 3 performing school na parehong umangat sa pagbasa at matematika ay ang Bulacao, Ogao at Dita Elementary Schools. Congratulations sa mga nabanggit na mga paaralan!

Bilang tulong din sa ating mga mag-aaral, nagsimula na tayong pagyamanin ang ating Gubat Public Library. Noong nakaraang taon ay inumpisahan ang pagkumpuni ng Gubat Public Library at ikinagagalak kong ibalita na ngayon ito ay tapos na at nagagamit na ang ikalawang palapag nito.  At sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng budget na 400,000.00 ang munispyo bilang pambili ng mga bagong aklat mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA). Ang mga aklat na nabili ay nasa ating library na.

Sa programang Kadunungan ng probinsiya at ng ating munisipyo, namahagi rin tayo ng mga gamit sa eskwela, payong at sumbrero sa lahat ng mga mag-aaral sa lahat ng elementarya at sekundarya sa Gubat.

#AsensoGubat